Si Adelaida: Ang Anghel ng Lansangan

"Pulubi, mabaho ‘yan…Lumayo kayo riyan” iyan ang mga kadalasang naririnig ko sa tuwing ako’y paparaan sa tabi ng malaking tindahan na pinagmamay-arian ni Aling Bebang o minsa’y sa ibang lugar. Madalas kong marinig ang iba’t ibang mga katagang pinapatungkol nila sa isang kaawa-awang matandang babae: mga kantyawan, nakaiinsultong halakhakan, pangaalipusta at iba pa na tila hindi naririnig ng mga nagdadaan. 

Tatlong klase ng mga tao ang mga iyon – ang mga walang pakialam, mapang-alipusta at ang may simpatyang nais tumulong ngunit walang magawa. Sa tuwing papasok ako sa eskwelahan, lagi ko siyang pasulyap na pinagmamasdan, tulad nila wala akong magawa kun’di siya ay daanan lamang.  Nakakaawa at nakapupukaw ng damdamin ang kanyang bilugang mga mata, mga matang may bahid ng kalungkutan at paghihinagpis. 

Lagi niyang hawak ang mga supot ng pagkain mula sa basuharan o kaya’y galing sa lansangan na pakalat-kalat lamang na hindi alam kung ito ba’y panis, malinis o maari pa bang kainin upang sa bawat araw ay maipanglalaman siya kanyang sikmura. Kaiba samga pulubing may mga hawak na lata o di kaya’y sobre ay tanging kabutihang-loob at awa lamang ang pinanghahawakan ng mga nagdaraan. Kaakit-akit angkanyang alagang pusa at katulad niya ay madungis at marumi ito.  Marumi ngunit sa kabila ng nito ay ang katotohanan sa buhay.

Minsan sa isang di-inaasahang pagkakataon ay napatitig ako sa kanya at sa mga maliliit na batang lansangan na binabato siya. Napagmamasdan ko ang mga pangyayari na ginagawang katuwaan lamang ng mga batang iyon ang kaawa-awang matanda.  Dumating sa puntong inawat ko ang mga batang iyon at sabay silang nagtakbuhan. Binigyan ko siya ng maiinom at bumili ako ng tinapay upang kainin niya. Kinausap ko ang matanda at itinanong ko sa kanya kung ano ang pangalan niya.

“Adelaida” mula sa kanyang mahinang tinig. Nagugunita ko sa kanya ang yumaong kong lola na may pagkahawig kung pagmamasdan ngunit hindi dahil doon kaya ako’y lumapit. May mga katanungan ako sa kanya–katanungang siya lamang ang makasasagot. Nagkwentuhan na kami at wari bang hindi ko pinapansin ang mga titig ng mga nagdaraan sa akin. 

Nagpaalam ako sa kanya dala-dala ang mga impormasyon na nakuha ko sa kanya, mga aral na aking natutunan at pagpapahalaga sa buhay. Isang nakalulungkot na istorya ang kanyang buhay. Ang kanyang mga walang pakundangang anak ang dahilan kung bakit siya nagkanyan at kung bakit siya napabayaan sa lansangan. Hindi ko maisip ang ganoong pangyayari sa kanyang buhay, ipinagtakwilan siya ng kanyang sariling dugo’t laman, ng kanyang mga anak. 

Hindi ko lubos na maintindihan na ang nagpalaki, nag-alaga, nag-aruga at nagmahal sa iyo noong bata ka pa ay iyong papabayaan sa dahilang may-iba ng pamilya, sa kahirapan at sa dahilang wala na siyang kwenta o silbi para sa iyo. Nakapangkikilabot ang ginawa nila na sana’y wag mangyari sa kanila sa pagdating panahon.  Napag isip-isip ko sadyang may mga tao talagang hindi pinahalagahan at binibigyan ng importansya ang kanilang mga magulang. At sa huli pagmamahal at pag-asa nais kong makamit niya sa buhay.

Comments