Ganito Ba Talaga Ang Buhay?

Ang mabuhay dito sa kalye ay hindi isang biro, ang makisabay sa mabangis na lungsod at komplikadong buhay rito ay hindi kaya ng mga tulad naming mga mahihirap, kami'y umaasa lamang sa kakarampot na barya araw-araw mula sa mga taong naaawa sa amin.

Ako si Leonardo at ito ang aking buhay, mula ako sa isang tipikal na pamilya sa isang liblib na bayan sa lalawigan ng Samar. Masaya ang aming pamilya at sa malinis na pamamaraan ay natutustusan ang pangangailangan naming magkakapatid sa pamamagitan ng pangingisda sa baybaying dagat ng aking ama.  

Ngunit sa isang ihip ng hangin ay biglang nabago ang lahat, namatay ang aking ama dahil sa isang di pagkakaunawaan ng mga lasinggerong mangingisda. Tumulong lamang siya na awatin ang mga ito ngunit ang kanyang kabutihang loob ang naging sanhi ng kanyang kamatayan, siya'y nasaksak at agad na tumakbo at nagtago ang pumatay sa aking ama. 

Humingi ng tulong ang nakatatanda kong kapatid at ang aming pamilya sa mga opisyal ng barangay upang makuha ang hustisya na hinihingi ng aming pamilya. Subalit tila walang nangyari sa hinihingi naming tulong. Tila pumasok at lumabas sa magkabilaang tenga ng mga opisyal ang ginawang pagmamakaawa ng aming pamilya, hindi lamang kami pinansin ng mga naroroon. Napagtanto ko na wala pa lang lugar sa makamundong lipunan ang mga tulad naming mahihirap. Laging bumabalik ang mga eksenang iyon sa memorya ng aking kapatid. 

At tumatak na sa isipan ng aking kapatid ang mukha ng pumaslang sa aming ama at ang madugong pangyayari na di talaga maaring maiwaglit sa isipan ng aming pamilya. Isang araw ay nakita ko na tumatawa at humahagikhik siya ng malakas, tawa ng tawa at sa pakiwari ko'y nalimutan na niya ang naganap na eksena. Subalit ako'y nagkamali sa paglipas ng mga araw ay napansin ko na hindi na siya nagiging seryoso tulad ng dati, puros magkahalong hagikhik at iyakan na ang aking naririnig. 

Natatakot na ako sa kaniya dahil sa kanyang hindi normal na pananalita at pagkilos. Ayon pala'y nawala na ang katinuan niya sa sarili, sa tulong ng aming mga kapit-bahayan ay naidala siya sa isang pampublikong ospital mental sa kalapit naming lalawigan.  Sa paglipas ng mga araw ay hindi na namin nagawang dalawin si Kuya Pablo, dahil sa mahal ng pamasahe upang makaluwas sa kabilang lalawigan. Ipinaubaya na namin sa Nakatataas ang kanyang kagalingan.  

Sa pagdaan ng mga araw ay napansin ko na naging matamlay ang aking kapatid na si Kuya Alfonso mula nang ipasok ang nakatatandang kapatid namin sa mental ospital, madalas na namumula ang kanyang buong katawan ng aking hipuin ay mayroon siyang mataas na lagnat, sumasakit ang mga kasu-kasuan at literal na tumutunog ang kanyang mga buto at hindi na siya makalakad ng maayos kaya agad kumuha ang aking ina ng mga herbal na gamot at pinakonsulta sa mga kilalang albularyo. Ngunit walang nagawa ang mga iyon. 

Ayaw magpadala ni Kuya Alfonso sa doktor sapagkat malaki daw ang gastusin ng mga gamot at sinisingil ng doktor ngunit napagpasiyahan na dalhin ng aking ina siya sa malapit na klinika. Dahil sa kakulangan ng mga kagamitang medikal sa klinika ay ipinalipat siya sa ospital sa bayan. Malala na pala ang karamdamang inililihim ng aking kapatid mayroon na pala siyang kanser sa buto, kung hindi pa siya naidala sa ospital ay hindi pa iyon malalaman ng aking ina. Isinangla na namin ang lupa na iningatan ng aming ama ng matagal na panahon pati ang bangka ng aking ama na ginagamit niya sa pangingisda na kaisa-isa niyang alaala ay nagawa na naming ibenta. 

Humingi na kami ng tulong sa mga charity at iba pang mga institusyon. At naubos na ipon ng aming pamilya para sa pagpapagamot ng aking kapatid ngunit ang lahat ng iyon ay nawalan lamang ng saysay. Hindi na nakayanan ng kanyang katawan ang karamdamang nagpapabigat sa kanya, at nang araw na iyon ay nawalan siya ng hininga. Labis ang paghihinagpis ng aking ina, naging isang malaking dagok sa kanya ang mga nangyari. Humanap siya ng paraan para makaalis sa ganoong sitwasyon. Kinabukasa'y nawala na lamang siya sa aking paningin na parang bula at ang bali-balita'y nag-asawa siya ng iba.

At ako ngayon si Lolo Leonardo, 69 taong namamalimos sa kalye at nakatira sa isang tagpi-tagping sirang kahoy sa Payatas at ito ang buhay ko.

Comments