Diborsyo: Da' Pinoy Istayl

Pagkatapos maisabatas ang RH Bill at ang SinTax Bill noong nakaraang taon ay muli na namang binubuhay ng mga mambabatas sa kongreso ang Divorce Bill ngayong taon. Maliban sa Vatican na isang relihiyosong bansang  pinamamahalaan ng Papa, ang Pilipinas na lamang ang nag-iisang nasyon na hindi pa isinasabatas ang Divorce Bill. Papatok nga ba ang diborsyo rito sa Pilipinas–da’ pinoy istayl?

Kasal ang sinasabing magbubukod sa pag-iibigan ng dalawang taong nagmamahalan habambuhay at ito rin ang daan tungo sa dalisay na pagmamahalan ng dalawang magsinggiliw ngunit hindi lahat ng kwentong pag-ibig ay nauuwi sa “happy endings”, may mga pagkakataong dumadagundong ang tahanan dahil sa malalang talakan, awayan, karahasan, pang-aabuso  at pagtataksil na nauuwi sa mas malalang di pagkakaunawaan ng mag-asawa at ngayon ay magagawan nang paraan upang ito’y masolusyunan sa pamamagitan ng isinusulong na House Bill  1799.

Kaiba sa annulment na gugugol ng maraming panahon at pera at legal separation na hindi na maari pang mag-asawa muli. Ang diborsyo ay itinuturing na mas mainam na paraan upang mapawalambisa ang kasal sa lehitimong rason at maresolusyunan ang mga “failed marriages.” Kaya ayon sa istatistika na isinagawa ng isang ahensya ay 50 % ng mga Katolikong Pilipino ang aprub sa Divorce Bill.

Minsang winika ng Simbahang Katoliko na walang sinumang tao ang makapaghihiwalay sa pinagbuklod ng Panginoon ngunit kinondena ito ng Central United Methodist Church na kapag nagkakasakitan na ay talaga bang pinagbuklod ng Panginoon? Hindi makapagsasabi ang sinumang pastor o pari sa tinadhana ng Panginoon.

Dipensa naman ng Intercessor of the Philippines at ni Rep. Rufus Rodriguez, Anti-Divorce Representative na ang sinusulong na panukala ay isang paglabag sa family code ng Pilipinas ngunit ayon sa GABRIELA at kay Rep. Liza Maza, ang dating may-akda ng Divorce Bill sa Pilipinas na walang nilalabag na batas ang Divorce Bill at malaking tulong ito upang maibsan ang lumalalang pang-aabuso sa mga kababaihan. 

Kayo nasaan ang inyong simpatya, pabor ba kayo o hindi? Anuman ang inyong pananaw napatunayan natin na totoo ang kasabihang ang “Pag-aasawa’y hindi tulad ng kaning isusubo na kapag mapaso’y iluluwa.”

Comments