Baclaran, Mga Nagdaraan at Ang Mukha ng Kahirapan

Baclaran, ang lugar ng mga murang bilihin: garantisado’t abot-kaya ng bulsa.  Araw-araw ang lugar na ito ay laging dinadagsa ng mga tao kahit na walang okasyon na animo’y daan-daang silang mga maliliit na langgam sa isang masikip na tampipi kung pagmamasdan sa itaas ng mga naglalakihang mga gusali–mga gusaling humahati at bumabalot sa paligid.

Tipikal lamang ang daloy ng pamumuhay rito. Naririyan makikitang dumadagsa ang mga mamimili sa mga tindera upang makipagtawaran sa mga paninda na gagamitin nila o dili kaya’y ipagbibili rin sa iba. Ito ay ang lugar na puno ng mga nagsisiksikang tao at polusyon na araw-araw nagmumula sa mga pabalik-balik na pampasaherong dyip at basura na sa iba’y panira sa paningin at kalat na kanila’y itinututuring subalit sa iba’y biyaya ito dahil sa ganoong paraan nakakuha sila ng pagkain, lalo na ang mga basura na mula sa mga fastfood chains at mga mall na ipanglalaman nila sa kanilang mga sikmura araw-araw, kaya’t madalang lamang ang pagkakataon na maluwag ang lugar na ito.

Minsan isang bata ang nangarap sa ganoong uri at sistema ng pamumuhay–paikot-ikot at paulit-ulit lamang. Si Antonio, 12 na taong gulang; ulila na sa ama’t ina dahil sa nakakain ng nakalalasong pagkain at lumaking palaboy sa lugar ng Baclaran kasama ng kanyang mga kapwa bata; musmos pa ngunit agad na namulat ang isipan sa katotohanan ng buhay. Mula sa tarangkahan ng simbahan ng Baclaran ay tahimik siyang nanalangin at iniisip kung ano ang kahihinatnan niya bukas-makalawa. 

Habang nag-iisip papaalis ng tarangkahan sa simbahanay di sinasadyang nakabangga niya si Aling Alberta “Ano ba iyan iho, tingnan mo nga ang iyong dinaraanan… kung sinu-sino na lamang ang iyong binabangga.” Halata ang pagka-ayaw ng ale sa bata. “Paumanhin ho, ako po ang may kasalanan.” mula sa mahinang tinig ni Antonio. “Aba, nararapat lang…Kamahal ng bestida ko’t mamantsahan mo lang.”

Pagkaraan ng kalahating oras ay nataranta si Aling Alberta sapagkat nawawala ang kanyang kalupi’t di alam ang gagawin nang magbabayad na siya sa tinatawarang bestida. “Hala! Mare saglit lang ah, mukhang nawawala ang wallet ko; dalawang libo pa naman ang laman.” Sa totoo’y anim na daan at dalawampu lamang iyon. Biglang gumuhit na parang kidlat sa ala-ala ni Aling Alberta ang mukha ng batang nakabangga niya. 

“Nagkalat na talaga ang mga magnanakaw saan mang lupalop.” Galit na kanyang winika. Ngunit sa kabilang banda ay hinahanap rin siya ng bata upang isauli sa kanya ang nalaglag na pitaka, di tinangkang buksan ang loob nito ni Antonio at agad niyang hinanap ang may-ari upang isauli–nakikita na niya sa kanyang isipan na magiging masaya ang ale kapag isinauli na niya ang kalupi ngunit nang makita ni Aling Alberta na hawak ng bata ang kanyang kalupi. 

Agad na nandilim ang paligid ni Aling Alberta, hinawakan niya sa leeg at bisig ang kaawa-awang bata na wari ay isang hayop sa kanyang malabakal na kamay. Namumutla na ang bata sa namimilipit nitong bisig. Iba sa inaasahan ng bata, sa inaasahan niya.

Comments