Araw ng mga Puso, Tsokolate, Rosas at Nagmamahalan

Animo’y nalingat lamang tayo ay natapos na ang buwan Enero’t magsisimula na ang buwan na hinihintay ng mga magsising-irog at mga nagmamahalan, ang buwan Pebrero at ang kadikit nitong okayon na Silent New Year o ang Valentine’s Day – “Love is in the air” at tila mapupuno na naman ng mga matatamis na I love you, greeting cards, rosas, tsokolate’t kendi ang bawat lugar na iyong makikita.

Ngunit alam niyo ba kung saan nagmula ang Valentine’s Day. Ayon sa isang popular na martyrology, ito raw ay nagsimula sa isang Romanong paring-santo na si Valentinus na nakulong dahil sa pagkakasalang ipinapapakasal niya ang mga umiibig na sundalo na sumumpang walang iibigin at tanging susundin lamang ang kanilang mga tungkulin. Sinabing nagpakita siya ng himala sa pamamagitan ng pagpapagaling sa anak ni Arterius, isa sa mga kaibigan niya noong nakakulong siya at nang lumaon ay namatay siya noong A.D. 269 at inilibing sa Via Flaminia.

Sa Norfolk, pinaniniwalaan ng mga batang may “Jack” na namimigay ng mga tsokolate’t kendi tuwing ika-14 ng Pebrero; sa Spain ipinadiriwang ang La Diada de Sant Jordi kasabay ng Valentine’s Day sa pamamagitan ng pamimigay ng mga libro’t rosas samantalang sa Denmark at Norway ang Pebrero 14 ay tinatawag na Valentinsdag kung saan naging tradisyon na ang pamimigay ng mga greeting cards para sa mga minamahal. 

At sa kontinente ng Latin America ay naging popular ang Amigo Secreto sa mga ganitong pagkakataon na nagpapadala ng mga regalo at pulang rosas sa minamahal na hindi nalalaman kung sino ang nagpapadala; Sa Japan ang Pebrero ay ang buwan kung saan ang mga babae ang gumagastos ng malaki para sa mga tsokolateng kanilang ipinamimigay sa mga lalaki at sa Pilipinas makikitang sa tuwing papasok ang buwan ng Pebrero ay tataas ang presyo ng mga bulaklak at iba pang mga bilihing may kinalaman sa Valentine’s Day.

Ngunit para sa ilang mga Islamikong bansa ay hindi ito katanggap-tanggap. Tulad ng Saudi Arabia at Pakistan na ipinagbabawal ang mga produktong may kinalaman sa Valentine’s Day sapagkat isa raw itong Kristyanong okasyon. At sa Malaysia at Iran na itinuturing ang okasyong ito bilang paglalapit sa mga kabataan na maengganyo sa pakikipagtalik sa murang edad.

Comments