Ang Mabuting Balita

Marahang pinagmamasdan ni Joselito ang mga mala-bulak na ulap sa iba’t ibang anyo nito na tila pinaglalaruan ang ating mga mata sa kagandahan at katingkaran ng pinaghalong kulay na puti at asul na kalangitan. Mas malawak pa sa karagatan at mas malayo pa sa kayang abutin ng mata ng mga nilalang ng lupa. Animo’y may tinatanaw sa malayo ang bilugang mga mata ni Joselito, nag-iisip na wari’y nag-iisa.
Muli nanamang sumagi sa isipan niya ang nangyari kangina, ang mapuputlang labi ng di niya kilalang ale at ang matitingkad na kulay ng dugong tumagas mula sa tagiliran nito. Nawala siya sa ulira’t nutulala–makaraa’y nagbalik ang kanyang malay-tao ng marinig niya ang malakas na busina ng isang kinakalawang na trak. Si Joselito ang isa sa mga palaboy sa lansangan ng Sta. Mesa at sa lugar na iyon natuto siyangmaglakad magulong lugar ng Sta. Mesa, Maynila; 21 anyos; at kailanma’y di nakatungtong sa pang-akademikong paaaralan.
Naging mahirap ang pamumuhay niya sa literal na lansangan ng Sta. Mesa, palabuy-laboy at nag-iisa sa loob ng maraming panahon, noong limang taong gulang pa lamang siya namamasyal sila ng buong pamilya at aksidenteng naligaw at nawala siya sa pamamasyal sa isang amusement park doon. Sa bawat pagpunit ng mga dahon sa kalendaryo’y nawalan na siya ng pag-asa na babalikan siya ng kanyang mga magulang sapagkat nagmula pa sila sa Catanduanes. Buong sikap siyang nagtrabaho sa palengke noong binata pa siya at araw-araw dalawampung piso ang kanyang natatanggap na sapat lamang upang maipanglaman niya sa sikmura. Pinilit niyang kumita sa mabuting pamamaraan upang siya’y mabuhay.
Ngunit dahil na rin sa impluwensya ng kanyang mga barkada, nag-iba ang kanyang pag-uugali. Natuto siyang manigarilyo, uminom ng alak at magsugal. Biglaang nag-iba rin ang pananaw niya sa buhay at napuno ito ng pag-aalinlangan. Nagawa na rin n’yang magnakaw at manghablot ng kung anu –ano. May sa-palos ang kakayahan niyang tumakbo at manguha ng gamit; nakasanayan na niya ang ganoong gawi. Madalas natutuwa siya sa mga nakukuha niyang mga kagamitang di niya pagmamay-ari, hindi na niya iniisip ang kasalanan at kung ano ang maaring kahinatnan niya sa ganoong krimen.
Isang gabi ang Sta. Mesa ay napuno ng katahimikan at nababalot ng dilim sa mga oras na iyon kung saan ang mga tao’y nahihimbing na sa kanilang pagtulog at ang iba’y tila walang kapaguran sa pagkayod upang makapaghanapbuhay. Isang matanda at mukhang mayaman na ale ang bumaba sa isang dyip, mabagal na naglalakad kasama ang mga usok sa paligid. Sinundan ito ni Joselito sa isang madilim na sulok. Biglang ang sigaw ng isang matandang babae ang sumira sa katahimikan ng lugar na iyon. Natataranta at waring may tinatakasan dala-dala ang isang maliit bag na walang laman maliban sa isang panyo, isang rosaryo at isang aklat na may pinamagatang “Ang Mabuting Balita.”

Comments